Home · About · Photo Gallery · Short Stories & Articles · Links · eMail · Guestbook

   Bakit Winnipeg?  -- Bakit naman hindi?

(Paunang-sabi:  Nang inalok ako ni Manang Li na magsulat ng isang column para sa "Hiyas Magazine,"  magkahalong tuwa at pangamba ang aking naramdaman.  Tuwa,  dahil gusto ko ang konsepto ng noo'y binabalak pa lamang na babasahin;  pangamba,  dahil baka hindi ako makasulat ng naayon sa hinihingi ng magasing ito.  Matapos ang ilang araw ding pag-iisip,  malugod kong tinanggap ko ang alok.  Tulad ko,  sana ay natutuwa din kayo sa pagkakaroon natin dito sa Winnipeg ng isang babasahing mas malamang ang mga nakasulat sa ating sariling wika. )

--------------------------

Nang ako'y dumating sa aking "port of entry" sa Vancouver bilang bagong imigrante noong 1988,  nagtaka ako ng tinanong ako ng Immigration Officer kung bakit ko raw piniling puntahan ang Winnipeg sa dinami-dami ng maari kong puntahan dito sa Canada. 

 Wika ko sa kanya,  "Bakit naman hindi?"  Sabi niya sa wikang Ingles,  "Kasi,  galing ka sa mainit na bansa at ang Winnipeg ay napakalamig kapag winter,  kung kaya tawag sa kanya'y Winter-peg."

 Sampung taon na ang nakakaraan mula noon... at kung tatanungin ako muli ng, "Bakit Winnipeg?"

Sasagutin ko pa rin ng ---  "Bakit naman hindi?"

Napamahal na sa akin ang Winnipeg. 

Oo nga't napakaginaw at marahas ang ating winter,  subalit hindi ko naman nakikita sa ibang lugar sa Canada (Toronto man o Vancouver)  ang init ng pagtitinginan at pagtutulungan ng mga mamamayan,  ma-Pinoy man o maging ibang lahi tulad ng dito.  Para sa akin, kung lamig lang ang problema,  eh di  magdamit lang ng makapal para hindi maginaw ay okay na.

Walang tatalo sa ating tag-araw dito sa Manitoba. 

Kapag ganitong summer,  hindi matatawaran ang saya ng mga pamilya sa pagpi-picnic sa park,  pamamasyal sa The Forks,  pagdalo sa mga kasayahan,  at pagba-babarbecue sa bakuran.  Oo nga't mas kaunti ang ating pwedeng pasyalan kung ikukumpara sa Vancouver o Toronto,  subalit mas marami namang oras ang mga magulang na pwedeng gugulin sa pagpapalaki ng mga anak at mas marami ding oras para sa mga magkakaibigan upang magkasama-sama;  hindi nauubos sa "traffic jam"  tulad ng mga taga-ibang lunsod sa Canada. 

Simple lang ang buhay at kakaunti ang kumplikasyon,  masama pa ba iyun?

Pag maganda ang araw,  tumingala lang ay masisiyahan na tayo sa lawak ng papawirin - open skies,  ika nga.  Malinis pati ang ating hinihingang hangin.  Ang lahat ng pupuntahan ay napakalapit tunguhin.  Ano pa ang ating mahihiling?

Kapag buwan ng Agosto,  narito din sa Winnipeg ang kaaya-ayang pagdiriwang ng pagkakaisa ng ibat-ibang lahi dito sa Canada sa pamamagitan ng Folklorama. 

Anuman ang kulay ng ating balat --- kayumanggi,  puti,  itim,  dilaw,  pula,  atbp.  --- ang pagkakaiba ng kulay ng pamayanan ang siyang nagiging lakas nating lahat. 

Ang aking mga dahilang nabanggit ay ilan lamang sa mabubuting dahilan kung bakit napamahal sa akin ang Winnipeg.  Marami ngang nagsasabing "napakababaw"  daw ng aking kaligayahan. 

 Huwag naman sana ninyong akalain na ako'y manhid sa mga problemang nakikita natin sa ating araw-araw na pamumuhay dito.  Alam kong maraming "hirap"  dahil sa nawalan ng trabaho;  maraming  "uma-aray"  dahil sa kamahalan ng pamilihin;  maraming kinakabahan dahil sa sinasabing tumataas na antas ng krimen... subalit,  saang pook ba dito sa Canada hindi problema ang mga naturan ko? 

Masakit sa aking damdamin kapag may naririnig akong pamimintas sa Winnipeg,  lalo na kung ito'y nanggagaling sa taga-rito mismo.  Inampon natin ang bayang ito,  at tayo nama'y tinanggap din niya bilang bagong anak. 

Ang ikalawang henerasyon nating mga Pilipino,  ang mga batang dito na ipinanganak at ipapanganak pa,  ay awtomatikong mamamayan na ng Canada at ito na ang kanilang tatawaging "Inang Bayan."  Hindi ba dapat lamang nating tiyaking magiging maayos ang kanilang kinabukasan dito sa ating inampong bansa?

Nang lisanin natin ang Pilipinas upang maging imigrante,  napakalaking desisyon ang ating ginawa.  Hindi madali ang piliing layuan ang bansang sinilangan.  Napakahirap desisyunan ang paglayo sa mga kinalakihang kaibigan; at maaring marami pa rin sa atin dito ang may mga kapatid o magulang sa Pilipinas na hindi na nakasunod dito sa Canada.  Ang paggawa ng desisyong tulad ng ginawa natin ay huwag na sanang maranasan ng ating mga anak.  Kung mag-uugat ang pamilya dito sa Manitoba,  sana ay dito na yumabong ang puno nila at huwag nang magkahiwahiwalay pa.

Sa lumalaki nating komunidad,  alam kong malaki ang ating maitutulong sa pagsulong ng kaunlaran ng Winnipeg.  Kapag nagpatuloy sa pag-unalad dito,  ang mga kabataan ay hindi na lilipat ng ibang lunsod upang humanap ng mas mabuting kapalaran at maiiwasang magkakalayo-layo pa ang mga magpapamilya.

Kayo,  ano sa palagay ninyo,  may maidadagdag ba kayo sa mga "mabuting dahillan"  kung bakit tayo nasa Winnipeg? 

All articles published in Hiyas Magazine, 1998