Home · About · Photo Gallery · Short Stories & Articles · Links · eMail · Guestbook

   

NAGDAANG TAG-ARAW

ni Emmie Z.  Joaquin

 

"Goodbye,  Allan...  mahal din kita..." 

Ito ang ibinulong ko sa hangin habang pinagmamasdan ko ang eroplanong kinasasakyan ni Allan pauwi sa San Francisco.  Isinara ko ang aking jacket at nakahalukipkip akong nagmadali patungo sa aking sasakyan sa parking lot ng Winnipeg International Airport. Malamig na talaga ang hangin,  nanunuot sa aking kalamnan.  Di maikakailang patapos na ang tag-araw.

Setyembre na.  Ang Agosto ng aking tag-araw ay isa na lamang magandang alaala.

Tandang-tanda ko pa,  araw ng Linggo noon...

Nagkatinginan kaming dalawa mula sa magkabilang dulo ng banquet hall ng International Inn.  Biglang kumislot ang aking puso dahil kakaiba ang dating ng kanyang ngiti sa akin.  Sino kaya ang mamang ito, tanong ko sa sarili.  Siguro turista,  o baka asawa ng isa sa mga hindi ko kakilalang babae sa handaang ito.

"Lily,  halika muna rito..."

Bakit kaya ako tinawag ni Merlie?  Aba,  katabi niya 'yung cute na mamang nakangiti sa akin kanina.

"Gusto ko sanang ipakilala sa iyo si Allan.  Siya 'yung sinasabi ko sa 'yong pinsan kong taga San Francisco.  Dumalaw lang para maka-attend ng party ko rito sa Winnipeg."

Si Merlie ay matalik kong kaibigan.  Isa siya sa una kong nakilala noong dumating ako rito sa Canada.  Wala akong kakilala noon at siya ang unang nakapalagayang loob ko.  Limang taon na ako rito at siya pa rin ang tanging kaibigang pinagkakatiwalaan ko ng aking mga lihim.

Inabot ni Allan ang kanyang kamay sa akin.  Mahigpit ang pagkamay niya.  Magiliw siyang makipag-usap, napansin kong natural na nakangiti ang kanyang mga mata, masaya siya pero hindi presko. Marahil ay namula ako dahil parang nanunukso si Merlie habang kami'y nagkikilalanan ni Allan.

"Pasensya ka na kay pinsan,  maliit pa kami'y palabiro na 'yan," ani Allan sa akin.  Matapos ang ilang palitan ng kuwento ay lumayo na si Merlie at inestima naman ang ibang mga bisita.  Naiwan kami ni Allan sa isang sulok ng hall na malapit sa piano.

"Tumutugtog ka ba?" tanong niya sa akin. 

"Konti... nakakabasa ng nota pero hindi ko kasi siniryoso ang piano lessons ko noong bata pa ako.  Ikaw?"  tanong ko sa kanya.

"Ah,  oo.  Isa iyan sa hobbies ko.  Pag nalulungkot ako,  pag masaya ako,  pag naiinip ako... piano ang hinaharap ko."

Lumapit siya sa piano at pumuwesto siya sa upuan.  Iminuwestra niyang umupo ako sa tabi niya.  Palagay agad ang loob ko sa kanya.  Medyo nagtataka ako sa aking sarili dahil hindi naman ako talaga ganito kabilis lumapat ang kalooban sa isang bagong kakilala,  lalo na't isang lalake.

Nagkakuwentuhan kami habang tinitipa niya ang piano.  Binata pa siya,  dalawampu't-anim na taong gulang at mag-aanim na taon na sa San Francisco.  Ayaw raw sana niyang umalis ng Pilipinas noon subali't nanghinayang siya sa petisyon ng Mommy niya kaya pumayag na rin siyang mag-immigrate sa America.  Sa San Francisco na siya nagtapos ng pag-aaral at ngayo'y may maganda na siyang trabaho roon at nakabukod na siya ng tirahan.  Magkababata sila ni Merlie kaya bukod sa mag-pinsan ay talagang magkaibigan din sila.

Ikinuwento ko rin sa kanya ang aking buhay.  At dahil nasa computer programming din ang aking linya,  napansin kong marami kaming magkaparehong hilig at halos pareho rin ang aming mga ayaw. 

"Dalawang linggo lang ang bakasyon ko.  Sabi ni Merlie,  masyado raw mahaba 'yun kasi baka mainip lang daw ako sa Winnipeg.  Pagkatapos daw naming pasyalan ang The Forks,  mga museum,  Lower Fort Garry,  mga malls --- po-problemahin na raw niya kung saan pa ako ipapasyal.  Siguro puwede ko nang sabihin sa kanya na huwag na niya akong problemahin,  dahil nakita ko na ang pupuno ng dalawang linggo ko rito sa Winnipeg,"  pabirong sabi niya sa akin.

Alam kong namula ako dahil naramdaman kong uminit ang aking mga tainga at pisngi at napahugot ako ng malalim na hininga.  Na-conscious ako dahil,  sa totoo lang,   magaganda  ang kanyang mata at matikas ang kanyang tindig,  at mahusay pang manamit.  Aba,  mukhang nagkakacrush yata ako.

Lunes...

"krrrringgg....krrringggg."

Sino kaya itong tumatawag eh mag-a-alas dose na...

"Hello,  good morning,  Lily speaking."

"Hi,  Lily,  it's Allan,  libre ka ba sa lunch?"

"Hi,  Allan,  sorry,  one hour lang ang lunch break ko.  Kung manggagaling ka pa ng St.  Vital,  ubos na ang oras mo sa biyahe pa lang..."

"Aha,  diyan kita naunahan.  Look outside your window... sa parking lot..."

Aba, at nandoon nga si Allan at kumakaway.

"Pumili ka... puwede tayong mag-McDo'... mabilis 'yun... o,  puwede lang tayong bumili ng ice cream at maglakad-lakad lang dito sa may office mo,  masasagad natin ang lunch hour mo,  hindi ka pa male-late."

Napangiti ako sabay kuha ng aking bag at lakad palabas ng building.

Ilang araw din kaming sabay kumain ng tanghalian.  Sa maiksing panahon  na iyon,  siguro ay nalaman ko na ang lahat tungkol sa kanya,  at naikuwento ko na rin ang buhay ko sa kanya.  Isa siya sa mga taong madaling makagiliwan.  At napapansin kong hinihintay ko na ang tawag niya palagi bago magtanghali.  At hindi ko maikakaila sa aking sarili na nahuhulog na ang aking loob sa kanya.

"Ano ang plano mo sa weekend?"  tanong niya sa akin. 

"Maglalaba ako sa Sabado.  Naipon na ang laundry ko.  Maglilinis ako ng apartment ko.  Magka-carwash ako... magluluto ako ng baon ko para sa susunod na linggo."

"Anoo?  Ikaw lang yata ang taga-Winnipeg na sinasayang ang weekend sa mga gawaing bahay,  gawaing-boring!  Ang ganda-ganda ng panahon,  aba,  Agosto na,  Lily,  ilang linggo na lang at naka-coat na naman kayo dito... let's enjoy the sun!"

"Eh,  ano ba ang plano mo?"  tanong ko naman sa kanya.

"Ganito yun,  nag-aaya sila Merlie sa beach... ano,  sama tayo?" sabay tikom ng kanyang bibig at salikop ng mga palad na parang nagdarasal, "Pumayag ka na,  please..."

"Alam mo,  baka lakad ng pamilya 'yun..."  sabi ko naman.

"Hindi ka naman iba sa pamilya namin ni Merlie,  matutuwa pa nga iyun,  eh.  Sa totoo lang,  sabi ko ako na ang mag-iimbita sa iyo.  Kung hindi ka sasama,  tutulungan na lang kitang maglinis ng apartment mo,  mas mag-e-enjoy pa siguro ako.  In other words, hindi naman ako mag-e-enjoy kung hindi ka sasama,"  sabi niya, sabay salikop muli ng mga kamay.

Muli,  naramdaman kong namula at uminit ang aking tainga.  Nasabi ko sa aking sarili na "cute"  talaga si Allan... at pakiramdam ko ay nahuhulog na ako sa "balon" dahil nararamdaman kong may pagtingin na ako sa kanya.

Masaya ang outing namin sa beach,  sunog na sunog ang aming mga balat dahil talagang nakisama ang araw ng Sabadong iyon. Panay ang "kodakan"  namin at napansin kong marami kaming kuha na nakatabi siya sa akin at may kuha ring umaakbay siya sa akin.  Pilya si Merlie dahil palagi niya akong itinatabi kay Allan pag may pagkakataon.

"Lily,  mukhang tinamaan nang matindi ang pinsan ko sa iyo,  ah,"  wika ni Merlie nang magkatabi kami sa may kainan.  "Ano,  okay na ba?"

"Merlie ha,  magkaibigan lang kami.  Puwede ba,  anim na araw pa lang kaming magkakilala." sabi ko naman.

"Anim na araw nga,  pero,  bilangin mo naman ang oras na magkasama kayo,  akala mo, di ko alam?  Kotse ko yata ang hinihiram ni pinsan kaya alam kong nandoon siya sa iyo,"  sabay hagikgik ni Merlie sa panunudyo.

Linggo...

Magkasama kaming nagsimba ni Allan.  Namasyal kami sa may riverwalk sa The Forks at nagkuwentuhan doon hanggang bumaba ang araw. 

Nakaupo kami sa restaurant at naghihintay ng order nang bigla na lang niyang kinuha ang aking kamay at hinalikan.  Nabigla ako kaya dali-dali kong hinila.

"Ooops,  sorry.  I didn't mean to be rude,"  sabi niyang pulang-pula ang mukha.

"No,  hindi naman.  Nagulat lang ako,"  sabi ko naman. Sabay tungo.  Nalilito na ako.  Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.  Alam kong mahal ko na si Allan bagama't sasandali pa lang kaming nagkakasama,  subali't paano ko ipagtatapat sa kanyang hindi na ako puwedeng makipagmahalan sa kanya dahil may nauna nang nagmamay-ari sa akin?  Nakatungo pa rin ako at bumubuntung-hininga.

"Akala ko kasi... eh... may sasabihin sana ako sa iyo..." at hindi na niya naituloy dahil pinutol ko.

"Ok lang Allan,  huwag ka munang magsalita ng maski ano.  Let's enjoy our dinner.  Let's be very good friends,"  sabi ko naman.

Alam kong nagulumihanan siya dahil kumunot ang kanyang noo bagama't wala na siyang sinabi pa muli.  Dumating na ang aming pagkain at nagkuwentuhan na lang ulit kami ng kung anu-ano. Malalim na rin ang gabi nang ihatid niya ako sa apartment ko.

Lunes...

Maaga pa lang ay tumawag na sa akin si Merlie.  Pagkahatid pala sa akin ni Allan ay ginising siya nito at ipinagtapat na may gusto siya sa akin at balak na pala niyang magtapat kagabi kaya lang ay nahalata niyang ayaw kong puntahan ang paksang iyun.  Malungkot daw si Allan dahil hindi niya masakyan kung pareho kami ng nararamdaman sa isa't isa,  para raw oo,  na para namang hindi.

"Lily,  wala pa akong sinasabi kay Allan because I think,  ikaw ang dapat magsabi sa kanya,"  dugtong pa ni Merlie, "Sa nakikita ko, gusto mo rin si pinsan,  pero,  ikaw ang dapat magdesisyon.  Mabait si Allan,  hindi manloloko at kilala ko iyan,  hindi iyan madaling magmahal,  tinamaan lang talaga sa iyo...  love at first sight daw."

Ako ang dapat magdesisyon.  Buong buhay ko,  simple lang ang gusto ko.  Ayaw ko ng komplikasyon.  Ayaw ko ng problema.  Sa winter,  darating na si Mike.  Ayos na ang papeles,  may visa na siya,  tinatapos na lang niya ang kontrata niya sa Japan.  Gawa na ang imbitasyon at dadalhin niya,  pati na rin ang mga pamigay sa mga bisita sa aming kasal sa Marso dito sa Winnipeg.

"Merlie,  hindi ko inaasahang magkakaganito.  Kasalanan ko.  Dapat ay sinabi ko na agad kay Allan na engaged na ako.  Kaya lang,  alam kong nagbabakasyon lang siya dito sandali at ni sa hinagap ay hindi ko akalaing magkakahulugan kami ng loob."

Alam kong laban sa kalooban ni Merlie ang gagawin kong pagpapakasal kay Mike.  Hindi siya naniniwala sa "long distance love affair." 

Nagkakilala kami ni Mike nang magbalikbayan ako noong isang taon.  Isang linggo lang kaming nagkasama sa Maynila,  hiningi niya ang address at phone number ko rito.  Nang makabalik na ako sa Winnipeg at siya nama'y nakabalik na sa Japan,  at saka lamang kami nagkasulatan.  Sa telepono at sulat kami nagkagustuhan at nagkasunduang gawing permanente ang ugnayan. 

Sa totoo lang,  pakiramdam ko ngayo'y mas kakilala ko ang pagkatao ni Allan kaysa kay Mike.

"Isipin mong mabuti,  Lily."

"Yes,  Merlie,  I will."

Magdamag akong gising ng gabing iyon.  Nagyayang kumain at manood ng sine si Allan subali't nagdahilan akong masakit ang ulo kaya hindi kami nagkita ngayon.  Nalilito ako at nasasaktan ang puso. Tila mas mahal ko si Allan...  subali't paano naman si Mike?

Napabalikwas ako nang kumiriring ang aking alarm clock.  Ni hindi pala ako naidlip kahit sandali;  nag-call-in-sick na lang ako.  Bukod sa nangangalumata ako,  hindi ako makakapag-concentrate sa trabaho.

Alasdos ng hapon nang may nag-buzzer sa apartment ko. 

Si Allan. 

Hindi ko sinasagot ang mga phone calls ko mula pa ng umaga,  alam kong nag-alala siya.

Binuksan ko ang pinto,  at pinapasok siya.  Nakatitig siya sa akin nang tumuloy siya at hinila niya ako palapit sa kanyang dibdib.  Sumilakbo ang aking damdamin at alam ko na ang sagot sa aking pagkalito.  Mahal ko siya.

Naglapat ang aming mga labi at pansamantalang tumigil ang pag-inog ng mundo sa aking buhay.  Naramdaman ko ang init ng kanyang katawan at nag-init na rin ang aking damdamin.  Hindi na namin kinailangang magsalita,  pinabayaan ko nang umagos ang pag-ibig naming dalawa.  Sabi ko sa aking sarili,  kung mamamatay ako pagkatapos ng aming pagniniig,  maligaya na akong mamamatay.

Nilalaro niya ang mahaba kong buhok nang magising ako.  Matapos ang aming pagpapadama ng pag-ibig sa isa't isa ay nakatulog ako nang mahimbing sa yakap ng kanyang mga bisig. Pagdilat ng aking mga mata,  ang kanyang ngiti ang aking nakita...  ligtas ang aking pakiramdam sa tabi niya. 

"Allan,  may sasabihin sana ako sa iyo..."

"Shhhh... quiet...  let's not say anything to spoil this moment..." at lalo niyang hinigpitan ang yakap sa akin at pumalaoti kaming muli sa tamis ng pag-ibig.

Sa apartment ko natulog si Allan ng gabing iyon... at ng mga sumunod pang gabi.

Ikalawang linggo na at alam kong pauwi na si Allan sa San Francisco.  Nililibang ko ang aking sarili sa trabaho tuwing papasok sa isip ko na bilang na ang araw ng aming pagsasama. 

Setyembre na.  Unti-unti nang nagiging kulay ginto ang mga dahon.

Nasa coffee shop kami sa airport ni Allan at naghihintay ng oras ng kanyang flight. 

"Alam kong alam mo na,"  sabi ko sa kanya.

"Oo,  pinilit ko si Merlie.  Sinabi niya sa akin.  Pinigilan niya ako,  pero nakipagsapalaran din ako,  Lily. Alam mong mahal kita.  Aalis ako ngayon pero gusto kong isipin mong maigi kung sino ang mas mahal mo at kung sino ang mas nagmamahal sa iyo.  Gusto ko lang ay kung saan ka mas magiging happy,"  nakangiti pero malungkot niyang sinabi.

Dumukot siya sa bulsa.  Isang magandang singsing ang inilabas ni Allan.  Iniabot sa akin.  Napayuko lang ako.  Kinuha niya ang aking kamay at ipinaloob sa aking palad ang singsing.

"Hindi ko isusuot sa iyo ang singsing,  but I want you to keep it.  Pag ready ka na,  anytime,  maski bukas,  tawagan mo lang ako at lilipad ako rito agad para isuot ang singsing na iyan sa daliri mo,  I love you."

Sa oras na iyon,  alam ko na ang aking magiging desisyon. 

Tinawag na ang flight ni Allan at sabay kaming naglakad patungong departure area.  Wala akong nakikita maski sino sa aming paligid. Siya lang ang nasa aking isip.  Hindi ko kayang mahiwalay sa kanya.

"Allan,  call me when you get home,"  bulong ko sa kanya.

Hindi mababayaran ang nakita kong saya sa mukha ni Allan nang narinig niya ang aking sinabi.  Hinalikan niya ako at hinapit nang mahigpit. 

Nasa may Ellice Avenue na ako nang maisip kong daanan si Merlie. Siguradong matutuwa siya kapag sinabi kong tatawagan ko na si Mike mamaya at tatapusin ko na ang aming relasyon.  Hindi fair kay Mike kung papupuntahin ko pa siya dito sa Winnipeg.  Puwede na niyang i-renew ang kanyang contract sa Japan.  Bibigyan ko na siya ng laya.  Maginoo si Mike at alam kong igagalang niya ang aking pasya.  Kung tutuusin, baka sa mga sandaling ito'y nag-aalanganin din siya sa kanyang damadamin sa akin.  Aba,  sino ang makapagsasabi. 

Parang nabunutan ng tinik ang aking puso matapos kong ikumpirma sa aking sarili ang desisyong ito.  Mahal ko si Allan at siya ang aking pipiliin.  Kinuha ko ang maliit na kahon sa aking bag at isinuot ko ang singsing na bigay ni Allan.  Pagbalik niya sa Winnipeg,  huhubarin ko para puwede niyang isuot na muli sa akin. 

 Ngayon,  kung saka-sakaling may magpapakilala na naman sa akin ng ibang lalaki,  ipapakita ko na agad ang aming "singsing" ni Allan. Ayaw ko nang magkakomplikasyon muli sa buhay... ang pagmamahal ni Allan ay sapat na para sa akin...

 Tapos na ang tag-araw,  alam kong ang winter ko ay hindi magiging napakalamig. 

- Wakas -

All articles published in Hiyas Magazine, 1998