|
|
|
Home · About · Photo Gallery · Short Stories & Articles · Links · eMail · Guestbook |
|
|
|
“SAHOG”
Maikling
kuwento ni Emmie Z. Joaquin "Hon,
hurry up... baka ma-late tayo...," sigaw ni Ronnie mula sa ibaba ng hagdan. "Sandali
na lang, Dad... sandali na lang
itong buhok ng princess mo..." at dali-dali kong inilagay ang clip sa buhok
ni Menchie. Ginto
na ang kulay ng mga dahon sa puno. Marami
na ring nalalaglag sa daan. Kaunting
panahon na naman at makukumutan na ng snow ang Winnipeg.
Bukas, sa ganitong oras ay
nasa Pilipinas na kami. Bagong
kasal kami ni Ronnie nang huli kaming umuwi sa Plipinas. Labing-isang taon na
ang nakaraan, at ngayon sa aming
pagbabalik, tatlo na kami. Magkakahelera
ang upuan naming tatlo sa eroplano. Nasa
gitna naming mag-asawa si Menchie. Pinagmasdan
ko siya sumandali... "Para siyang maliit na dalaga at talagang kahawig siya
ni Ate Menchie," naisip ko.
Kaisa-isang
anak namin si Menchie. Sa isang
buwan ay sampung taon na siya. At
dahil kaisa-isang apo sa pamilya namin, pumayag
kami ni Ronnie na sa Pilipinas na ipagdiwang ang kanyang ikasampung kaarawan,
para naman makonsuweluhan ang lolo
at lola niya. ‘Princess’ ang tawag sa kanya ni Ronnie at talaga namang
parang prinsesa. Kayang-kayang
paikutin nito ang ama sa kanyang mga daliri ika nga.
Walang hiniling na hindi ibinigay ng ama; at ang maganda sa kanya,
kahit sunod sa layaw, hindi
abusada, tulad din ni Ate Menchie. Talagang
ipinangalan naming mag-asawa si Menchie sa pinsan ko.
Anim na taon ang tanda sa akin ni Ate Menchie.
Nag-iisa akong anak at wala akong ate;
kaya siya ang parang naging ate ko.
Noong bata pa ako, lahat ng
gawin niya ay ginagaya ko, sa
pananamit, pag-aayos ng buhok,
pati pakikipag-usap. Lahat
ng paborito niya, naging paborito
ko rin. Lumaki akong siya ang
‘idol’ ko. Popular
si Ate Menchie sa subdivision namin. Maraming
nagsasabing kamukha niya si Susan Roces. Totoo
naman. Noong sumali sila sa dance
contest ng NineTeeners sa Channel-9 noong araw, mapapansing paborito ng cameraman si Ate Menchie dahil palagi
siyang naka-close-up. Sumikat siya
lalo sa eskwela at sa mga kapitbahay namin;
kaso nga lang eh nakatikim siya ng kurot at napagalitan siya ni Tita Sony
dahil nabistong nag-'cut' siya ng klase sa eskwela;
muntik nang atakihin sa puso ang nanay at tatay niya nang makitang
nagsasayaw siya sa TV gan'ong dapat ay nasa eskwela siya. Apat
na magkakapatid ang mga tatay. Siguro
nagkasundo silang hindi maghihiwalay kaya sa iisang compound lahat nagpatayo ng
bahay. Si Ate Menchie ang panganay
na anak nina Tita Sony at Tito Ben; kuya
ng tatay ko si Tito Ben. Kami lang
ni Ate Menchie ang babae sa pitong magpipinsan,
kaya naman mutyang-mutya kami sa pamilya. Kasi
nga'y sa iisang compound kaming magpipinsan nakatira,
kahit ‘only child’ lang ako ay lumaki akong parang maraming kapatid. Sa
magpipinsan, si Ate Menchie ang pinakamatanda.
Naghahabulan at nagtutumbang-preso kami palagi pero noong nag-high school
na si Ate Menchie, hindi na siya sumasali sa laro namin.
May barkada na siyang mga dalagitang katulad niya at palagi silang
nagkukulong sa kuwarto niya pagkagaling sa eskwela.
Mabait
sa akin si Ate Menchie. Lagi siyang
may pasalubong sa akin basta may lakad siya.
Pumapayag siyang hawakan ko ang mga gamit at make-up niya. Siyam na taon pa lang ako noon at kilig na kilig ako kapag
isinusukat ko ang high heels niya kahit na natatapilok ako dahil malaki sa akin
ang mga ito. Nasa
grade school pa lang ako nang ginawa akong opisyal na tagabantay ni Tita Sony
kapag may umaakyat ng ligaw kay Ate Menchie.
Enjoy na enjoy ako kapag may manliligaw na dumarating sa kanila kasi lagi
akong may 'lagay' na chocolate, kung
hindi ay hindi ako aalis sa pagkakaupo kong nakagitna sa kanila.
Nabansagan tuloy akong si 'Sahog' dahil lagi akong nakahalo sa mga
ginagawa niya. Mahigpit si Tita
Sony kay Ate Menchie. Mahigpit din
ang utos niya sa akin na bantayan ko at baka kung ano ang gawin ng manliligaw
habang nasa terrace nila. Sa
lahat ng manliligaw ni Ate Menchie, gusto ko si Robert.
Kutob ko, crush din siya ni Ate Menchie.
Basketball
player si Robert sa high school na pinapasukan nila.
Sikat daw sa campus si Robert at ang balita ay marami raw nagkakagusto sa
kanya. Si Ate Menchie naman ang
muse ng basketball team nila kaya siguro doon sila nagkalapitan ng loob. At
dahil parang may gusto sa kanya si Ate Menchie,
may crush na rin ako kay Robert. Tuwing
aakyat ito ng ligaw ay parang ako ang nililigawan dahil ako ang kinikilig kapag
nandoon na siya. Ako rin ang
naiinip kapag wala pa siya. Ayos
lang sa tatay at nanay ko kahit a las siyete na ay wala pa ako sa amin dahil
alam nilang naka-'sahog' na naman ako sa ligawan sa kabilang bahay. Isang
hapon, naglalaro kami ng mga pinsan
kong lalaki nang masayang dumating
si Ate Menchie. Isinama niya ako sa
kuwarto niya. Malalaking poster ng
Beatles ang nakapaskel sa dingding niya at sa ibabaw ng tokador ay may kuha sila
ni Robert kasama ang basketball team. "Millie!"
excited na usal niya sa pangalan ko sabay pagpapakita ng kanyang daliring may
nakasuot na singsing. "See this?" tanong niya sa akin... Napanganga
ako dahil hindi ko alam kung ano ang gusto niyang sabihin ko... sa loob-loob ko,
"Bakit kaya halos himatayin siya sa tuwa eh mukha namang ordinaryo lang ang
singsing sa daliri niya?" Pero
dahil 'idol' ko siya,
naisip kong siguro nga eh importante ito at nakitalon na rin ako sa tuwa
kasabay niya, kahit wala akong
kaide-ideya kung bakit kami kinikilig na dalawa. "Millie,
mag-steady na kami ni Robert!" malakas na bulong niya sa akin. "Wow,
Ate Menchie, ‘pakakasal na ba kayo?" inosenteng tanong ko naman. "No,
silly... ibig sabihin nito, sinagot
ko na siya. Hindi na ako
magpapaligaw sa iba... at hindi na rin siya manliligaw sa iba!" sabay yakap
sa akin na halos hindi ako makahinga, "Millie,
I'm in love!" Hindi
ko pa masyadong naiintindihan noon ang buhay teen-ager,
basta alam ko lang na inip na inip na akong lumaki at mag-high school
para ako naman ang liligawan. Parang
ayaw ko nang magsuot ng damit pambata at gusto ko na ring mag-attend ng party
tulad nina Ate Menchie at barkada niya. Iisa
lang ang maliwanag sa isip ko noong hapong iyon.
Kung hindi na siya magpapaligaw sa iba, "Eh, di tapos na ang
maliligayang araw ng delihensya kong chocolates galing sa ibang manliligaw niya!" Dumaan
din ang ilang buwan. Graduating na
si Ate Menchie at si Robert. Mukha
naman silang masaya. Napapakamot na
lang ako sa ulo kapag nalilito ako sa ikinikilos ni Ate Menchie.
Selosa siya at may araw na 'bati' sila,
may araw na 'galit.’ Minsang
masaya, minsan eh basta na lang
iiyak. Sabi niya, pag malaki na ako eh maiintindihan ko rin kung bakit siya
nagkakaganoon. Palagay
ko'y nagsususpetsa na sina Tita Sony at Tito Ben na mag-steady na si Ate Menchie
at Robert. Wala naman silang
ipinapakitang hindi maganda sa dalawa dahil mabait na anak si Ate Menchie.
Hindi ito sumasamang mag-isa kay Robert,
siyempre, lagi akong
naka-'sahog'. Gusto naman nila
akong kasama sa 'date' dahil basta may popcorn at coke ako eh hindi ako
nagsusumbong na naghahalikan sila sa sine.
At pag nagpupunta naman sila sa party, hindi lumalampas sa curfew ang
hatid sa kanya sa bahay at laging kasama ang buong barkada nila. Tuwing
Biyernes ng gabi ang pormal na dalaw ni Robert kay Ate Menchie.
Dumarating siya ng bandang a las siete at umaalis ng bandang a las dies.
Nandoon lang sila sa sala, kung hindi nanonood ng TV eh nagpapatugtog ng
mga plaka ng Beatles o Mamas and the Papas.
Nakakatulugan ko ang pagbabantay sa kanila.
Kadalasan eh sinusundo pa ako ng tatay ko at iyon naman ang signal kay
Robert na oras na para magpaalam siya. Wala
akong nalamang naging problema sa relasyon nilang dalawa.
Maski naman ang pamilya ni Robert ay mukhang botong-boto kay Ate Menchie.
Hindi gaanong mayaman sina Robert pero komportable naman ang buhay nila,
gayon din sina Ate Menchie. Kahit
na nasa kolehiyo na ay sila pa rin ang magnobyo.
Si Robert ang escort ni Ate Menchie nang siya ay mag-debut.
First dance siyempre si Tito Ben at second dance naman si Robert.
Ang ganda nilang tingnan sa dance floor. Nag-high
school na rin ako at alam ko na kung ano ang buhay-teen-ager.
Kahit may isip na ako ay idol ko pa rin si Ate Menchie.
Kapag may problema ako sa 'pag-ibig',
siya pa rin ang aking tinatakbuhan.
Pinapayuhan niya ako at pinatatawa kapag pakiramdam ko'y parang
nagsasalubong na ang langit at lupa sa aking dibdib.
Taong
1972. May isang taon pa sa kolehiyo
si Ate Menchie at matatapos na siya ng education.
Si Robert naman ay nag-aaral upang maging abugado. Pareho silang mga university scholar. Sabi ni Ate Menchie, pag
naging abugado na si Robert ay saka sila magpapakasal. Graduating
na ako sa high school noon. May
isip na ako at hindi na ako pinagbabantay ni Tita Sony sa kanilang dalawa.
Malaya na silang lumakad nang sila lang at dahil matagal na silang
magnobyo ay parang kamag-anak na
rin ang turing kay Robert ng pamilya namin.
Pero kahit na gano'n, nanatiling
malapit ako sa kanilang dalawa. At
maski dalagita na ako, ‘sahog’ pa rin ang tukso nila sa akin. Panahon
iyon ng mga protesta at demonstrasyon laban sa gobyerno,
laban kay Marcos. Aktibo si
Robert sa kanilang Student Council sa U.P.
Lagi siyang nagsasalita sa mga rally.
Kadalasa'y isinasama niya si Ate Menchie sa mga lakad niya,
at nang lumaon, napansin kong pati na rin si Ate Menchie ay naging aktibong
kasapi ng kanilang samahan na nakilala noon sa tawag na Kabataang Makabayan o
KM. Isang
umaga, nagising na lang ako sa
lakas ng panaghoy ni Tita Sony mula sa sala ng bahay namin. Lahat ng pamilya ay
nagtipun-tipon sa amin. Habang ang
nanay ko ay abala sa paghagod ng likod ni Tita Sony,
ang tatay ko at ang dalawa ko pang tiyuhin ay kasama ni Tito Ben na
kausap ang mga Metrocom sa may labas ng bahay.
Hinding-hindi
ko makakalimutan ang umagang iyon ng Setyembre,
1972. Mukha lang ni
Information Secretary Francisco Tatad ang mapapanood sa TV, walang radyo, walang
diyaryo... "Ano ba ang
nangyayari?" sa loob-loob ko. "Nag-declare
na ng Martial Law si Marcos, Millie,
namundok na yata si Robert kasama si Ate Menchie,"
bulong sa akin ng pinsan kong si Boying.
"Iyung mga Metrocom sa labas eh pinipilit si Tito Ben na sabihin
kung saan sila nagtago, kaso mo,
wala naman talagang nakakaalam kung nasaan sila." Awang-awa
ako kay Tita Sony at kay Tito Ben. Ginising
sila ng malakas na katok sa pinto ng mga armadong sundalo,
tuluy-tuloy ang mga ito sa kabahayan,
pinagbabaligtad ang mga kasangkapan at mga gamit sa kuwarto ni Ate
Menchie na para bang makakapagtago siya doon. Subali’t wala naman talagang
kaalam-alam ang kanyang mga magulang kung anong oras umalis o kung saan man
nagpunta ang kanilang kaisa-isang anak. Sa
totoo lang, walang dalang gamit ni
damit man lang si Ate Menchie. Nasindak
ang buong bansa sa pagbaba ng Proclamation 1081 o Martial Law.
Maraming mga kabataan, lalo
na ang mga kasapi ng KM at iba pang kilos-protesta, ang nabalitaang
pinagdadampot ng militar at hindi na nakita pang muli.
Ipinagdarasal na lang namin noon na saan man sila nagtatago,
sana’y maalagaan ni Robert si Ate Menchie. Lumipas
ang ilang buwan… naging taon. Tila namanhid na ang damdamin ng taong bayan sa pagkakaroon
ng Martial Law sa Pilipinas. Patuloy
pa rin ang pagkilos ng mga organisasyong laban sa rehimeng Marcos.
Wala kaming balita kung nasaan sina Ate Menchie.
Ang alam lang namin ay buhay pa siya dahil palaging may bulaklak na
dumarating kay Tita Sony tuwing kaarawan ni Ate Menchie.
Marahil, ayaw niyang
masangkot ang kanyang mga magulang sa kumplikasyon kaya minarapat niyang huwag
nang ipaalam ang kanyang kinalalagyan noon.
Kung wala silang alam, wala silang masasabi sa mga sundalong madalas pa
ring pumunta sa aming compound. Malungkot
na sa bahay nila. Hindi ko rin
maiwasang malungkot tuwing naaalala ko si Ate Menchie at ang aming masayang
pinagsamahan. Kami namang
magpipinsan ay nagsilaki na at may kanya-kanya nang pinagkakaabalahan. Nakalipas
ang ilang taon. Malapit na akong
pumunta sa Canada. May tumanggap sa
aking isang ospital sa Winnipeg, Manitoba.
Bagama’t ayaw kong iwanan sina Tatay at Nanay,
sila rin ang nagtulak sa aking magpunta sa ibang bansa.
Bilang isang nurse, gusto ko
sanang manatili sa piling nila upang ako ang mag-alaga kung saka-sakaling may
magkakasakit. Retirado na silang
pareho at ang pagpunta-punta na lang sa bukid namin sa Bulakan ang nagiging
libangan nila. "Doon
ka na sa Canada, anak,
at baka doon ka na makapag-asawa,"
biro pa ni Nanay noong hindi pa ako makapagdesisyon kung itutuloy ko nga
o hindi ang pag-alis ko. "Hindi
tayo nakakatiyak sa kinabukasan ng ating bansa,
ayaw kong dito lumaki ang magiging apo ko...
hindi na rito katulad nang dati,"
malungkot na sabi ni Tatay. "Huwag kang mag-alala,
anak, dadalawin ka namin
doon." Taong
1983. Nakakaisang taon na ako sa
Winnipeg nang ibalita sa akin ni Nanay na nakita na si Ate Menchie. Wala na’ng Martial Law subali’t matindi pa rin ang
pakikibaka ng mga makabayang Pilipino laban sa mapang-aping rehimen.
Panay na panay raw noon ang rally at mga demonstrasyon lalo na dahil sa
ginawang pagpaslang sa dating Senador Ninoy Aquino. Nahuli
ng mga sundalo si Robert at ang mga kasamahan niya sa isang liblib na baryo sa
Davao. Doon pala sila namuhay ni
Ate Menchie. Dinala sa Fort
Bonifacio ang lahat ng nahuli, lalake at babae,
bata at matanda. Kasama sa
mga nahuli si Ate Menchie at ang kanilang anak na babae ni Robert. Ayon
sa nakakita, binugbog at
pinahirapan nang husto ang mga lalaking bihag.
Isang gabi'y kinuha sila sa selda, kasama
si Robert. Mula noon ay wala nang
nakakita pang muli sa kanila. Isang
sundalo sa kampo ang kaibigan ng kumpare ni Tito Ben.
Siya ang naging dahilan kung bakit nalaman nina Tito Ben na kasama sa mga
nakakulong doon si Ate Menchie at ang kanilang apo.
Inabot din ng halos isang buwan bago nakakuha ng padrino upang makadalaw
sila sa loob. Napakarami nilang
nilapitan upang matulungan silang lakaring makalaya ang mag-ina.
Napakasakit
para kay Tito Ben at Tita Sony nang malaman nila ang napakasaklap na karanasan
ng kanilang mutyang anak sa loob ng kulungan.
Walang umamin, subali’t,
may mga tumestigo na paulit-ulit na pinagsamantalahan ng mga bantay ang
mga babaeng nahuli nila, kabilang
doon si Ate Menchie. Isa
pang matinding dagok ang dumating sa kanilang buhay nang malaman nilang
nagkasakit ng pulmonya habang nasa selda ang anak nina Ate Menchie at Robert. Nalagutan ng hininga ang kawawang bata na ni hindi man lang
nakita ang kanyang ina o lolo o lola. Ni
isa man sa aming pamilya ay walang nakakita sa kanya;
ni walang nakakaalam kung saan inilibing ang labi ng bata.
Hindi man lang namin nalaman ang kanyang pangalan. Marahil
ay nais lang talagang mailabas na ng kanyang mga magulang si Ate Menchie kung
kaya ni hindi gumawa na anumang ingay o reklamo ang mga ito habang nakaharap sa
husgado ang kasong rebelyon laban sa kanya at mga kasamahan niya.
Nagpupuyos sa galit ang buong angkan namin subali’t tiim-bagang na
tiniis ito huwag lamang magkaaberya ang nilalakad nilang kaso sa kampo. Dahil
sa tindi ng sama ng loob sa nakita niyang pagpapahirap kay Robert at tuluyang
pagkawala nitong parang bula; dagdag
ang pait ng walang awang panggagahasa sa kanya at ang pagkamatay ng kanyang anak,
hindi na nakayanan ni Ate Menchie ang kanyang mapait na karanasan.
Nang pumayag ang opisyal ng kampo na makita siya ng kanyang mga magulang,
si Ate Menchie ko ay nadatnan nilang nakatingin sa kawalan na parang
tulala. Pinalaya
si Ate Menchie. Naipanalo ng
kanyang abugado ang kaso sa argumentong siya'y nasiraan na ng bait.
Masakit man sa kanilang kalooban, tahimik
na inuwi ni Tito Ben at Tita Sony si Ate Menchie sa bahay sa pag-asang gagaling
din siya at babalik ang dating sigla ng kanilang anak. Mabuti
na lang at may kaya sina Tito Ben. Matanda
na sila kung kaya kumuha sila ng private nurse upang alagaan si Ate Menchie.
Ayon daw sa psychiatrist ay walang makapagsasabi kung kailan babalik ang
dating personalidad ni Ate Menchie, maaaring
bumalik at maaari rin namang hindi na. Nagulat
ako nang marahan akong tapikin ng stewardess.
"Ma'm, straighten your seat please... we're about to land,"
sabi ng stewardess sa akin. Tiningnan
ko ang aking mag-amang parehong naalimpungatan sa pagtulog.
Inaayos ni Ronnie ang seatbelt ni Menchie. Si Menchie nama'y humihikab pa. "Anak,
we're here... Ron, at last, eto na
tayo!" sabi ko habang inaayos ko ang mga pasaporte naming mag-anak. Masaya
sa bahay nang dumating kami. Lahat
ng mga pinsan ko ay dala-dala ang kani-kanilang pamilya at walang tigil ang
bidahan hanggang hatinggabi. Hindi
kami nakaramdam ng pagod kahit walang tigil ang tawanan at kainan sa bienvenida
party para sa amin. Buti na lang at
nakatulog ang aking mag-ama sa eroplano. Pati
si Menchie ay siyang-siya rin sa pakikipag-usap sa mga bagong kakilalang
pininsan. Malaki
ang itinanda nina Tito Ben at Tita Sony. Mababakas
pa rin sa kanilang mga mata ang lungkot. Panay
ang yakap ni Tita Sony kay Menchie ko. Lahat
sila'y nagsasabing kamukhang-kamukha ng lahi namin si Menchie’ng maliit. Lumipas
ang una naming magdamag subali’t ni walang nagsalita o nagkuwento man lang
tungkol kay Ate Menchie. Alam kong
alam nilang lahat na pinipigilan ko lang ang aking sariling magtanong. At dahil ayaw ko
rin namang malambungan ng lungkot ang unang reunion naming magpapamilya,
iniwasan ko na rin ang gawin iyon. Naging
abala ang mga unang araw ng aming bakasyon.
Tuwang-tuwa ang tatay at nanay ko sa katalinuhan ng kanilang apo. “Mabait na bata, grasyosa
at talaga namang parang prinsesa,” sabi
ni Tatay, na siya namang
ikinatangos ng ilong ng Daddy niya. Tanaw
ko si Ate Menchie mula sa sala ng bahay namin.
Maganda pa rin siya. Lagi
siyang nakaupo sa tumba-tumba sa terrace nila at yakap-yakap palagi ang isang
photo album. Sa album nakalagay ang
mga larawan nila ni Robert noong nasa high school hanggang nag-kolehiyo silang
dalawa. Ganoon daw si Ate Menchie
araw-araw, maghapon,
hanggang gumabi. Hindi pa
rin siya umiimik. Minsan ay ngumingiti siya subali’t walang salitang
namumutawi sa kanyang labi. Nairaos
namin nang napakasaya ang 10th birthday party ni Menchie'ng maliit.
Tuwang-tuwa ang anak ko sa mga pakulo ng mga pinsan niya. Kami namang
malalaki ay walang tigil sa pagkukuwento sa kanila kung gaano kami kalilikot
noon at pati na mga kapilyuhan ng mga pinsan kong lalaki noong mga totoy pa sila. Ilang
araw na lang at babalik na kaming mag-anak sa Winnipeg.
Araw-araw, dinadalaw namin si Ate Menchie sa kabilang bahay. Kinukuwentuhan ko siya na parang tulad ng dati.
Ipinapaalala ko sa kanya ang mga kapilyahan ko lalo na noong lagi akong
naka-‘sahog’ sa kanya noong araw. Ibinibida
ko sa kanya na mabait ang aking naging asawa at pati naman si Ronnie ay
nagkukuwento rin sa kanya. Wala
kaming nakukuhang reaksyon kay Ate Menchie pero alam ko, sa puso ko at damdamin,
na naririnig at naiintindihan niya ang mga sinasabi namin sa kanya.
Masyado
pang bata ang aming si Menchie kung kaya marahil ay nagugulumihanan siya kung
bakit namin kinakausap ng Daddy niya ang kanyang Tita Menchie na hindi man lang
sumagot kahit minsan. Alam niya na
sadyang pinangalanan ko siya sunod sa aking mahal na pinsan. At sa mura niyang isipan,
alam kong nararamdaman ng aking anak ang pagiging malapit ko kay Ate
Menchie kung kaya hindi siya tumututol kapag pinahahalik ko siya sa kanya. Malungkot
ang paalaman namin sa airport. Iiwan
na naman namin sina Tatay at Nanay. Kahit
anong pilit namin ni Ronnie ay ayaw nilang mag-immigrate sa Canada. Hindi raw nila kakayanin ang lamig kapag winter. Mula
sa bintana ng eroplano ay natatanaw ko na ang Winnipeg.
Puting-puti na at takip na ng snow ang lunsod. Naisip
ko si Ate Menchie at ang hirap na dinanas niya.
Sino ang mag-aakalang ang buhay niyang tila napakasaya noong una ay
magiging napakalungkot. Hindi ko
napigilan ang pagtulo ng aking luha. Napansin
ni Ronnie at mapagmahal na inalo niya ako.
“Payapa na si Ate Menchie,” ika
niya sa akin, “huwag ka nang
malungkot.” Alam
kong hindi na nga ako dapat malungkot dahil nasa mabuting kamay na siya muli. Sana… kung puwede lang sana,
dasal ko’y nasa isip ni Ate Menchie ngayon ang maliligayang araw nila
ni Robert noong araw. Sana…
sa kanyang pagtingin sa kawalan ay binubuhay niya sa gunita ang matamis
nilang kahapon at hindi ang mapait na kinasapitan ng kanilang buhay.
Subali’t
hindi ko talaga mapigil ang panghihinayang sa kaligayahang dapat ay napasakanila
ni Robert… ang panghihinayang para sa kanilang munting anak na hindi man
lamang namin nakilala. Pinagmasdan
ko si Menchie, nakahilig ito sa
bisig ng kanyang Daddy. Sampung
taon na si Menchie. Ganito ang edad
ko noong lagi akong naka-‘sahog’ sa buhay ni Ate Menchie.
Masaya ang mga alaala ng aking kabataan.
Sana ang aking anak ay magkaroon din ng alaalang katulad ng sa akin
paglaki niya. Nag-landing
na ang eroplanong kinalululanan namin. Nagkatinginan
kaming mag-asawa at hinawakan ni Ronnie ang aking kamay.
"Hon, we're home,"
sabi niya sa akin. Kinuha
niya ang handcarry namin at pinauna ako at ang kanyang ‘Princess’ palabas. May kapayapaan akong naramdaman sa aking kalooban.
Bumaling ako kay Ronnie, "Oo,
Dad,” sabay ngiti ko sa
aking mahal na asawa, “We're
home.” -
Wakas - All articles published in Hiyas Magazine, 1998
|