sangandaan.  a road that branches.  where sites meet and part ways.   
about amj  |   literature  |   kalookan  |   photo gallery  |   feedback |   links  |   homepage  |  



Tulay na Buhangin at iba pang mga akda

ęCopyright 1964 by Agapito M. Joaquin

Paunang Salita
Ni Efren R. Abueg, Patnugot ng "Tulay na Buhangin atbp. mga akda"
Imus, Kabite, Setyembre 6, 1964

NANG nagbabalak pa lamang si Agapito M. Joaquin na maglathala ng isang aklat ay napag-usapan na ang maaaring sabihin at ipuna ng mga kritiko sa kanyang mga akda. Napangiti siya at saka sumagot: "Ang mga akda ko ay hindi para sa kritiko, kundi para sa bayan."

Sa ganyang paraan makatarungang ipakilala ang isang kuwentista at nobelistang walang lahid ng pagpapanggap sa kanyang mga sinulat.

Kailanman, si Agapito M. Joaquin ay hindi naging kasapi ng alin mang kapisanan sa Panitikang Pilipino. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapagsanay ng pagsulat sa ilalim ng isang subok na manunulat. Ang katayuan niya ngayon sa larangan ng panitik ay utang niya sa masusing pagsubaybay sa takbo ng panitikan -- sa pamamagitan ng matalinong pagbabasa. Kaya't hindi kataka-takang nang magsimula siyang maglathala ng mga kuwento sa Liwayway noong 1961 ay walang sumalubong sa kanyang hossana ng mga kritiko. Ang pagsipot niya ay parang pag-utlaw lamang ng isang malusog na kabuti sa kabukiran o pagpaspas ng hangin sa isang luntiang dahon.

Walang kapanahon si Agapito M. Joaquin nang magsulat siya noong 1961. Lanta na ang tangkay ng Usbong at bugnos na ang buklod ng Kadipan ng mga Coronel at Bautista (SLN), at Ocampo, Ongoco, Samonte at Pineda. Ang bagong sibol na sina Rogelio R. Sikat, Edgardo M. Reyes, Aurelio B. Dacanay, Simplicio Bisa, Dominador B. Mirasol at Rogelio L. Ordo˝ez ay rnaputla pang mga dahon at nagtagal pa bago nagluntian. Siya ay napag-isa, tulad ng isang bituing sumikat sa katanghaliang-tapat.

Sa pag-iisang ito nasulat ni Joaquin ang isang nobelang kung pahapyaw na babasahin ay kukuruing paiigkaraniwan lamang, subali't kung susuriin ay matutuklasang nobela ng isang bayang lumilingon sa isang rnahiwaga at maalamat na kahapon. Hindi makatwirang ihambing ang "Tulay na Buhangin" ni Joaquin sa "Mga Ibong Mandaragit" ni Amado V. Hernandez o sa "Daluyong" ni Lazaro Francisco na pawang inilathala ng Liwayway at kinikilalang kathambuhay ng iringang sosyal at indibiduwal. Ang nobelang ito ni Joaquin ay may sariling katangian. Isang matibay na tulay ang nobela na inilatag ng may-akda sa isang lumuwang na ilog na likha ng pagtalikod ng mga Pilipino sa sariling kultura at tradisyon at pagyakap sa kanluraning kaisipan at kakinangang nakalalason at nakasisilaw. Ang tulay na iyan ay inilaan niya sa sino mang may hangaring bumalik o tumanaw man lamang sa isang mahiwaga't maalamat na lumipas ng ating bayan.

Gayundin, ang "Tulay na Buhangin" ay isang trahedya. Ang trahedya ng pangunahing tauhang si Nardo ay hindi lamang trahedya ng isang taga-nayong naghahangad maabot ang rurok ng langit, kundi trahedya ng bawa't dukhang kaluluwa sa bawa't bayan, bawa't lunsod, bawa't bansa. Ang trahedya ni Nardo sa "Tulay na Buhangin" ay trahedyang pandaigdigan.

Pangunahing kaangkinan ng isang mahusay na akda ang mapaging totoo ang mga tauhan. Iyan ay kinikilalang katangian ng panulat ni Joaquin. Mula sa isang matandang binaon sa kamatayan ang isang hungkag na pananalig (Ang Pensiyonado) hanggang sa isang lalaking biktima ng isang malupit na kataksilan (Ang Saksi), ang mga tauhan niya ay pawang "taong gumagalaw, nasasalat, nadarama, naaamoy."  Si Joaquin ay manunulat na nakasangkot sa buhay.

Likas siyang tagapaglahad ng iisahing hiwa ng buhay at mapapansing ang kanyang mga akda ay sentimental. Ang kanyang mga tauhan ay "iyakin, apihin, biguin", subali't iyan ang pinaniniwalaan niyang katangian ng mga Pilipino na nakikita natin sa lamayan, nababatid sa mga ulilang silid ng mga bahay-mayaman, o sa pinid na mga puso ng mapagmatayog na kababaihan.

Nag-iisa nga si Agapito M. Joaquin, nguni't sa pag-iisa niya ay hindi nakagapos ang kanyang mga kamay. May maganda siyang layunin sa pagsusulat at iyan ay ang maging tulay sa pagitan ng naiiwang katandaan at ng nagmamadali namang kabataan. lyan ang sinisikap niyang magawa ngayon, alang-alang sa bayang may karapatang umangkin sa katutubong panitikan, higit pa sa karapatan ng kalipunan ng mga kritiko o intelektuwal na aniya'y nangangarap ng isang daigdig na hindi maihuhulma sa kasalukuyang kalagayan.



PUNA NG MGA KRITIKO

KAKULANGAN KUNG MAWAWALA...

"Ang "Tulay na Buhangin" ni Agapito M. Joaquin ay dapat ipalagay na isang baitang na dagdag sa itaas ng hagdang patungo sa katayugan ng pamantayan ng panitikang Pilipino. Ang mga tauhan ay larawan ng mga taong maaaring kilalanin ng bumabasa sa isang kapitbahayan, sa isang kanayunan, o sa isang kabayanan. Ang mga pangyayari ay nangyayari at maaaring mangyari sa kaninuman. Ang mga pagganap ng mga tauhan bilang reaksiyon sa mga nangyayari sa kanila ay makatwiran at may lohika. Ang mga damdaming iginuhit ay mga damdaming dinarama rin ng mga tao. Ang mga suliranin sa buhay, munti't malaki, sa "Tulay na Buhangin" ay kauri at katunog ng mga suliranin ng sangkatauhan. Sa maikiing sabi: Ang "Tulay na Buhangin" ay isang tunay na larawan ng buhay. Ipinalalagay kong hindi lamang karagdagan sa aklatan ng aking mag-anak ang dalawa o tatlong sipi ng "Tulay na Buhangin" kundi magiging isang kahiya-hiyang kakulangan kung mawawala."

Jose Villa Panganiban
Patnugot, Surian ng Wikang Pambansa



"Ang Tulay na Buhangin, nobela, ay maluwag na nakapaloob sa kapuri-puring sinabi ng kanyang may-akdang si G. Agapito M. Joaquin. Aniya: "Ang mga akda ko'y hindi para sa kritiko, kundi para sa bayan." Hindi ko, sa sarili, maaaring pabulaanan ang katotohanang iyan: at ang bayan, sa gayon, ay dapat magalak sa pangyayari (1) nasulat iyan dahil sa kanya; (2) at, kundi kahil sa bayan, marahil ay hindi nasikatan ng araw ang mga dahon ng malaganap na Liwayway ang "Tulay na Buhangin" ni G. Joaquin."

A.G. Abadilla




PINAKAMAHALAGANG TUKLAS...

Inaangkin ng LIWAYWAY na ang may-akda ng aklat na ito ay pinakamahalaga niyang tuklas. At kaipala'y masasabi rin ng mga mambabasa na ang natuklasan nila'y isang pambihirang mangangatha. Ang katangiang iyan ni Agapito M. Joaquin ay matutunton sa laging maliwanag na paglalarawan niya ng mga tauhan, sa mga pangungusap niyang mapagbigay ng pang-unawa at sa mga banghay na likas sa katotohanan.

Sinasabing hindi hadlang sa pagiging pampanitikan ng isang akda ang pagiging kawili-wili nito. Hindi kami ang magsasabi kung may mga katangiang pampanitikan ang mga katha ni AMJ, nguni't tinitiyak namin sa mga mambabasa ang kanilang kaluguran sa pagtunghay sa mga akdang nakapaloob dito.

Adriano P. Laudico
Tagapamahala sa Patnugutan, Liwayway Publications, Inc.




PAUNANG SALITA

PUNA NG MGA KRITIKO

TULAY NA BUHANGIN

MGA KWENTONG SANGANDAAN